Presyo ng bangus sa Anda, Pangasinan bumagsak sa P15 kada kilo

Kuha ni Nora Dominguez
Ni Nora Dominguez
Eagle News Service

ANDA, Pangasinan (Eagle News) – Bumagsak sa Php 15.00  ang kada kilo ng bangus sa Anda, Pangasinan dahil sa nararanasang fish kill sa Caciputan Channel sa bayabayin ng Anda at Bolinao.

Ayon sa mga residente sa Catubig Anda, simula pa nitong Huwebes nang sabay-sabay na lumutang ang mga isda mula sa mga palaisdaan sa Caciputan Channel.

Ang ilang fish pen owners naman ay nagsagawa na rin ng force harvest sa mga pwede pang pakinabangan na mga isda.

Ayon kay Nestor Domenden, Regional Director ng BFAR Region 1, isang linggo nang nararanasan ang paisa -isang paglutang ng mga isda sa Caciputan Bay, at naagapan pa ng mga may-ari ng fish pen, ngunit matapos ang mahabang init nang mag hapon nitong Huwebes na sinundan ng biglang pagbagsak ng ulan ay hindi na napigilan ang paglutang ng mga isda.

Ang nasabing paglutang ng mga isda ay dahil umano sa biglaang pagbabago ng temperatura mula sa init at lamig kaya bumagsak ang dissolve oxygen sa baybayin na dahilan ng pagkamatay ng mga isda.
Ayon kay Domenden, bago nangyari ang pinangangambahang fish kill ay nagbabala na ang BFAR at kinausap ang fish pen owners at operators. Ayon sa BFAR, kung maaari ay bawasan ang dami ng mga fish pen dahil sa masamang epekto nito na wala nang madaanan ang tubig at nakasama pa ang feeds na ipinapakain sa mga alagang bangus at ang labis na nararanasang init ng panahon.
Ayon kay Domenden matapos ang nangyaring fishkill ay ipupursige na ang pagpapatupad ng no fish pen policy upang maiwasan ang paulit-ulit na insidente ng fish kill, partikular na sa baybayin ng Anda at Bolinao.