PNR, magkakaroon na ng byahe sa Malabon at Taguig area

(Eagle News) — Good news para sa mga mananakay ng Philippine National Railways o (PNR).

Inanunsyo ng Department of Transportation (DOTr) na palalawigin ang biyahe ng PNR sa pamamagitan ng paglulunsad ng Malabon at Taguig stations.

Ayon kay Transport Secretary Arthur Tugade, bahagi pa rin ito ng dry-run upang mapaganda pa ang serbisyo nito.

Magsisimula ang ruta nito mula Gov. Pascual platform sa Malabon hanggang sa FTI station sa Taguig at magkakahalaga ng 25 pesos ang pamasahe para sa mga air-condition train, habang 20 pesos naman para sa mga regular train.

Ang nasabing bagong ruta ay nasa 58 minuto ang biyahe.

Tiniyak naman ng DOTr na gaganda na ang serbisyo ng PNR simula sa susunod na taon.

“Promise ko, sir, pagdating ng mga bagong bagon natin, ‘yang gusgusing bagon na ‘yan, magiging bago ho sa Hunyo.’ Kung darating ang panahon na kinakailangang dagdagan ang mga bagon upang sa ganon, ‘yung mga bumibiyahe ay madadagdagan, gagawin po namin ‘yan,” pahayag ni Tugade.