PNP Regional Director ng Misamis Oriental, pinarangalan ng PDEA

Ni Richard Dela Cruz
Eagle News Correspondent

CAGAYAN DE ORO CITY, Misamis Oriental (Eagle News) – Tumanggap ng Commendation Award si PNP Regional Director Gen. Timoteo Pacleb mula kay PDEA Regional Director Wilkins Villanueva sa isinagawang 16th PDEA Anniversary Celebration nitong Martes, Hunyo 12.

Kinilala at pinahalagahan ng PDEA ang mahusay na pamumuno ni Pacleb sa kampanya kontra iligal na droga. Isa na rito ay ang ginawa nitong pagbuwag sa mga pinaniniwalaang tropa ng Kuratong Baleleng at mga pulitiko na sangkot sa iligal droga.

Lubos ang pasasalamat ng PDEA sa PNP dahil sa sunod-sunod nitong pagtatagumpay.

Patuloy ding isinusulong ang educational campaign na makiisa ang mga mamamayan sa rehiyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon sa mga awtoridad. Ito ay upang agad silang mahuli at tuluyan ng matigil ang mga nagsusupply ng droga. Tulad na lang ng pagkakahuli sa natitirang miyembro ng ISIS, Maute at maging ang pagbuwag sa grupo ni Atty. Ely Pamatong na may sariling sundalo na ngayon ay wanted person dahil sa patung-patong na kaso.

Kampante naman ang mga mamamayan na sa pamamagitan ng pagsisikap ng PDEA, PNP, militar, DILG, at lokal na pamahalaan ay matutupad na ang hangarin ng Pangulo na maging drug free ang buong rehiyon. (Eagle News Service)