PNP Chief Dela Rosa surpresang ininspeksyon ang tatlong opisina ng PNP

MANILA, (Eagle News) – Tatlong opisina ng Philippine National Police (PNP) ang surpresang binisita ni PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa.

Make-up, snacks at Facebook ang nadatnan ni PNP Chief Dela Rosa na pinagkakaabalahan ng mga tauhan sa tatlong front-line service units ng pulisya sa Camp Crame.

Kabilang dito ang Supervisory Office on Security and Investigation Agencies (PNP-SOSIA), Firearms and Explosives Office (FEO) at Police Community Relations Group (PCRG).

Nakatalaga ang PNP-SOSIA sa regulasyon ng security agencies sa bansa, habang ang FEO ay nakatoka sa pagpo-proseso ng mga lisensya ng baril at ang PCRG naman ay nagsusulong ng mas mabuting Police Community Relations.

Ginawa ni Dela Rosa ang pag-iinspeksyon matapos siyang makatanggap ng mga sumbong na mabagal ang pag-proseso ng mga papeles at pamamayagpag ng mga fixer. Binalaan naman niya ang mga tauhan partikular na sa FEO na posibleng kakuntsaba ng mga fixer, na itigil na ang kanilang ginagawa.

Inatasan na ni Dela Rosa ang kanilang Counter-Intelligence Task Group para imbestigahan ang mga reklamo tungkol sa mga fixer sa opisina.