PDEA, bukas sa posibleng pagbalik ng PNP sa giyera kontra droga

 

Mga pulis na nagsasagawa ng “Oplan Tokhang” sa isang barangay sa Maynila noong ika-6 ng Oktubre 2016. / AFP / Noel Celis/

Ni Mar Gabriel
Eagle News Service

Bukas ang Philippine Drug Enforcement Agency sa inilutang na posibilidad ni Pangulong Rodrigo Duterte na muling isabak ang Philippine National Police sa giyera kontra droga.

Malaking tulong daw ito sa kanila kung sakasakali lalo’t noong una pa lang ay aminado na sila na marami silang limitasyon partikular na sa bilang ng kanilang mga tauhan.

“Truthfully speaking, limited scope (namin). There might be a possible resurgence left and right, even in the provinces.., down to the smallest unit..,” pahayag ni Director Derrick Carreon, spokesperson ng PDEA.

Nakapagsagawa ang PDEA ng higit 1500 na operasyon sa buong bansa sa loob ng higit isang buwan, kung saan 81 na high-value targets ang naaresto.

Aabot naman sa P62.5 milyon na halaga ng ilegal na droga ang kanilang nasabat.

Ayon naman kay Supt. Vemelle Madrid, PNP deputy spokesperson, laging handa ang mga pulis na gawin ang pinapagawa sa kanila ng Commander in Chief.

Ayon sa PNP, sa kasalukuyan ay may mga ginagawa na silang pagbabago upang hindi na maulit ang pagkakamali ng kanilang mga tauhan kung sila ay muling sasabak sa giyera kontra droga.

Maging ang listahan ng mga sangkot sa kalakalan ng ilegal na droga. ay muli raw sumasailalim sa masusing validation.

“Talaga iniiwasan natin (na may mamatay pero) kung maging at risk police officer we have to defend (ourselves if we take part in the drug war again),” pahayag ni Madrid.

Kahapon, sinabi ni Duterte na pinag-iisipan niyang isabak muli ang PNP sa giyera kontra droga dahil sa pagtaas diumano ng bilang ng mga krimen na may kinalaman dito, gaya ng rape at robbery-holdup.

“Whether I like it or not, I have to return that power to the police,” pahayag ng Pangulo.