PCG sa mga pasahero: Huwag sumakay sa mga colorum na bangka ngayong holiday season

(Eagle News) — Nagbabala ang Philippine Coast Guard (PCG) sa mga pasahero na iwasang sumakay sa mga tinatawag na “fly by night” o mga colorum na motor bancas ngayong holiday season.

Ayon kay PCG Commandant Elson Hermogino, ang pagsakay sa mga colorum na bangka ay nagdudulot ng panganib sa buhay at seguridad ng isang pasahero dahil hindi sumusunod ang mga ito sa maritime safety standards na itinakda ng Maritime Industry Authority (MARINA).

Madalas aniya na tuwing holiday season ay sinasamantala ng may-ari at operator ng mga colorum na bangka ang pagdagsa ng pasahero sa iba’t-ibang pantalan at terminal sa mga probinsya, lalo na sa mga major tourist spots .

Babala ng PCG, huhulihin ng ahensya ang mga iligal na sasakyang pandagat na nag-ooperate dahil karamihan sa kanila ay hindi nagkakaloob ng passenger insurance at wala ring mga life vest at life-saving devices.

Nakataas na rin sa full alert ang PCG bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero ngayong holiday.

https://youtu.be/PWlPrgf1-P8