Pangasinan-PNP, patuloy na naka-full alert para sa barangay at SK elections

Ni Nora Dominguez
Eagle News Service

LINGAYEN, Pangasinan (Eagle News) – Maayos at mapayapa ang pagbubukas ng mga presinto sa buong lalawigan ng Pangasinan kaugnay ng isinasagawang synchronized barangay at Sangguniang kabataan (SK) elections.

Naka-full alert naman ang buong pwersa ng Pangasinan Police Provincial Office (PPPO) upang tiyakin ang seguridad ng isasagawang barangay at SK elections hanggang matapos ang canvassing of votes sa buong lalawigan.

Inilatag naman ang mahigit dalawang libong pwersa ng Pangasinan PNP sa 1,119 clustered precincts na magbibigay ng seguridad sa 1,799, 053 registered voters sa buong probinsya at nasa 683,562 naman ang boboto para sa Sangguniang Kabataan.

Binigyan ng mga otoridad ng prayoridad ang mga barangay na napabilang sa election watch list areas sa Brgy. Gueset sa bayan ng Sison, San Roque sa bayan ng San Manuel, Barangay Poblacion at Dalanguiring sa Urbiztondo at Barangay Bued sa bayan ng Calasiao.

Maliban sa augmentation forces ng PNP ay inilatag din ang Quick Reaction Team (QRT) ng Armed Forces of the Philippines sa mga priority areas na kinabibilangan ng Brgy. Poblacion at Dalanguiring sa bayan ng Urbiztondo, Bued sa Calasiao, San Roque sa San Manuel at Gueset sa Sison.

Ayon kay PCI Norman Florentino, Public Information Officer (PIO) ng Pangasinan PPO, mula sa target na 2:1 ratio ng pulis sa kada presinto na mayroong malalaking voting population na nabigyan ng dalawang police at ang mga presinto na mas mababa ang voting population ay nabigyan lamang ng tig-isang police personnel na magbabantay ng seguridad.

Mananatiling nakafull alert ang PNP at AFP personnel hanggang sa matapos ang canvassing of votes upang tiyakin ang kapayapaan.

Isinagawa rin PNP ang mga checkpoint operations sa mga entry at exit points upang maharang ang mga masasamang elemento, maiwasan ang karahasan at matiyak ang kapayapaan sa barangay at SK elections.

Sa Brgy. Bolasi na isa sa may pinakamaraming botante na 2,382 sa bayan ng San Fabian pumila at bumoto ang Kongresista na si Christopher De Venecia at dating Congresswoman Manay de Venecia.

Hinikayat naman ni Pangasinan 4th District Congressman Christopher De Venecia ang mga SK aspirants na isulong ang reporma sa SK bilang training ground ng mga future leaders ng bansa, na palat maempower ang kakayahan at kaalaman ng mga kabataan.

Sa pamamagitan ng pagsusulong ng mga programa na nakakatulong sa pag-angat ng mga kabataan tulad ng pag-unlad ng kaalaman sa paggamit ng computer sa pagkakaroon ng trabaho, at maging responsable sa paggamit ng social media.

Kinundena din ng opisyal ang pagkakapaslang ng dating kongresista sa Agoo, La Union na si Eufranio Erigel.

Ayon kay de Venecia, si Eregal at maybahay na si incumbent Congresswoman Erigel ay kabilang sa Northern Block ng Kongreso.