Pagbibitiw ni Mocha Uson, ‘di kawalan sa bansa – VP Robredo camp

(Eagle News) — ‘Di naman umano kawalan sa bansa ang pagbitiw sa pwesto ni Communications Assistant Secretary Mocha Uson.

Ito ang reaksyon ng kampo ni Vice President Leni Robredo sa pagbibitiw ni Uson.

“Madaming beses nang ipinakita ni Uson na hindi talaga niya naiintindihan at hindi siya handa para gampanan ang tungkulin ng isang lingkod bayan. Kaya hindi kawalan sa bayan ang kanyang pagbibitaw,” ayon sa tagapagsalita ng pangalawang pangulo na si Barry Gutierrez.

Ayon pa kay Gutierrez maraming pagkakataon na umano na ipinakita ni Uson na hindi sya handa sa kanyang tungkulin sa bayan.

Pero binalaan ni Gutierrez si Uson na hindi magpapawalang-sala sa kanyang mga aksyon ang pagbibitiw nya sa puwesto.

“Huwag lang siyang magkamaling isipin na dahil nag-resign na siya, hindi na siya mananagot para sa lahat ng kasinungalingan at paninirang ipinasabog niya,” pahayag ni Gutierrez.