P9 milyon na halaga ng sibuyas at carrots mula sa China, kinumpiska ng Customs

(Eagle News) — Kinumpiska ng Bureau of Customs (BOC) ang siyam na milyong pisong halaga ng sibuyas at carrots mula sa China sa Manila International Container Port dahil sa kawalan ng import permit at mis-declaration.

Ayon kay MICP District Collector lawyer Vincent Philip Maronilla, ang ipinuslit na red at white onions ay nagkakahalaga ng 7.2 million pesos habang ang carrots ay 1.8 million pesos.

Hinarang ang shipment dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act at sa Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.

Sinabi ng opisyal na ang shipment ay nakadeklarang bawang at mansanas pero nang inspeksyunin ang laman ng mga container van ito ay naglalaman pala ito ng pula at puting sibuyas, carrots at bawang.

Tanging ang bawang lang ang may valid import permit mula sa Bureau of Plant and Industry (BPI).

Naka-pangalan sa V2Y International Marketing Company na may address sa Madrigal Building sa Escolta, Maynila ang kargamento ngunit itinanggi nila na sa kanila ito.