Negosyante patay matapos aksidenteng pumutok ang kaniyang baril

LABANGAN, Zamboanga del Sur (Eagle News) – Patay ang isang babaeng negosyante matapos aksidenteng pumutok ang kanyang baril sa Purok Pag-asa Barangay Upper Campo Islam sa Bayan ng Labangan sa Zamboanga del Sur noong Martes, ika-14 ng Nobyembre.

Kinilala ang biktima na si Elena Apollo Cabatit, 57 taong gulang, negosyante, residente sa nasabing lugar.

Base sa imbestigasyon, habang nagliligpit ang biktima sa kaniyang hinihigaan bandang alas 7 ng umaga, aksidenteng nahulog ang kaniyang baril na isang 38 revolver sa sahig, pumutok ito at tinamaan siya.

Nagtamo ng tama ang biktima sa tiyan.

Agad naman siyang dinala sa pinakamalapit na ospital ngunit idineklara rin itong patay makalipas ang ilang oras.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang baril ng biktima para sa karagdagang imbestigasyon.

Ferdinand Libor, Jr. – Eagle News Correspondent