Natural healing ng ilang tourist spot sa bansa, pag-aaralan ng DILG

(Eagle News) – Pinag-aaralan na ng Department of interior and Local Government na magpatupad ng isang buwang natural healing sa mga tourist spots sa Pilipinas.

Kabilang sa tinukoy ni DILG Secretary Eduardo Año ang Coron at El Nido sa Palawan at Panglao sa Bohol.
Sa loob ng one month healing, hindi maaaring pasukin ng mga turista ang isang lugar na idedeklarang sarado ng Inter-Agency Task Force.

Sinabi ni Año na nakipag-usap na sya kay Tourism Secretary Berna Romulo Puyat hinggil dito para hindi na maulit ang nangyari sa Boracay.

“Sa El Nido nagkakaroon na ng clearing sa shoreline, they are also conducting demolitions, but we have to asses kung talagang 100 percent compliant. I will have a meeting DOT Sec. Puyat, we will discuss what to do in El Nido,” pahayag ni Año.

Matapos aniya ang pagbubukas ng Boracay, sinimulan na rin nila ang pag-iinspeksyon sa mga tourist spots para malaman kung kailangan ring sumailalim ang mga ito sa rehabilitasyon.

Pero nakatanggap sila ng report na may illegal sewer line rin sa El Nido. Kung mapapatunayan, bukod sa mga may-ari ng resort kakasuhan nila ang mga lokal na opisyal.

“Kung talagang may violations, isara natin. Ganoon rin ang gagawing inspeksyon. At kung nagkaroon ng liabilities, we will file cases against the LGUs and a preventive suspension. Kasi dapat buong Pilipinas na may resort areas and tourist spot, dapat ayusijn natin yan. Meron ring kasamang rest time for the area, kahit one month a year na resting time para magkaroon ng natural healing katulad ng Thailand meron sila proposed resting time sa mga beach,” ayon sa kalihim.

Nagpadala na aniya sila ng team sa mga tourist spot at mga beach na nagkaroon ng environmental violations at maaaring maglabas ng report hinggil dito

Sa report ng kanilang mga team ibabatay kung kailangang ipasara ang mga isla gaya ng ginawa sa Boracay.
Aminado naman si Año na isang wake up call ang nangyari sa Boracay dahil mismong mga residente at mga turista ay tumutulong para ireport ang mga posibleng pang-aabuso sa mga tourist spots.

“Titignan natin. Kung talagang nakitaan natin ng violation, isasara natin. Depende sa affectation ng island o area. Kung kaya naman ng local government na isakatuparan ang pag-rehabilitate without closing it. Sa Boracay kasi hindi na talaga kaya na hindi isasara,” pahayag ni Año. (Eagle News Service Meanne Corvera) 

https://youtu.be/dXkWYehYH_E