Rep. Alejano, handa na sa banat at resbak ng mga kaalyado ni Pangulong Duterte

(Eagle News) — Handa na umano si Magdalo Rep. Gary Alejano na harapin ang mga batikos at resbak mula sa kampo ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos niyang ihain ang impeachment case laban dito.

Ayon kay Alejano, bago pa man niya ihain ang naturang complaint batid niyang magiging sentro siya ng kritisismo at banat ng mga taga-suporta ng Pangulo.

Gayunman, naniniwala ang mambabatas na bahagi ng kanyang sinumpaang tungkulin sa mga Pilipino ang pagpuna sa mga maling gawain ng sinuman na nasa gobyerno.

Sinabi pa si Alejano na may mga mambabatas na susuporta sa kanyang impeachment complaint bagamat hindi nito tinukoy kung sinu-sino ang mga ito.

Kahapon, pormal nang inihain ng dating marine captain na kasapi ng Magdalo Group ang impeachment complaint laban sa Pangulo.

Ito ay dahil umano sa mga kaso ng extrajudicial killings sa bansa at iba pa.

Si alejano kasama si Senador Antonio Trillanes IV ay naging bahagi ng serye ng mga kudeta noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.