Municipal councilor, huli sa buy bust operation

LANAO DEL SUR (Eagle News) — Halos kalahating milyong piso ang halaga ng pinaniniwalaang shabu ang nakuha sa isang municipal councilor sa Lanao del Sur.

Kinilala ni PDEA-Caraga Regional Director Julius Navales ang suspek na si Rakim Sangkian na natiklo sa buy bust operation na isinagawa ng PDEA-Caraga at Region 10 Police.

Tinatayang 100 gramo ng pinaniniwalaang shabu ang nakuha mula sa suspek na liban sa pagiging councilor ay chairman din ng Peace and Order Committee sa Sangguniang Bayan ng Molundo, Lanao del Sur.

Samantala, ayon kay Navales, galing sa labas ng Caraga Region ang supply ng shabu na kumakalat sa naturang lugar, partikular na sa Marawi City, kaya sa nabanggit na lugar diumano nakasentro ang kanilang mga operasyon.