MTC judge ng Alubijid, Misamis Oriental, nagpasalamat sa ibinigay na police escort

Ni Richard dela Cruz
Eagle News Correspondent

ALUBIJID, Misamis Oriental (Eagle News) – Personal na pinasalamatan ni Metropolitan Trial Court Judge Isagani Ravedaz ng Alubijid, Misamis Oriental si Gen. Timoteo Pacleb, ang Acting Director ng Police Regional Office 10, dahil sa pagbigay ng police escort.

Ang nasabing hakbang ay kasunod ng mga pagpatay sa mga judge ng Ozamiz City na may hinahawakang malalaking kaso. Ito ay para na rin sa kaligtasan ng opisyal at mga kasamahan nito na mayroong hawak na malalaking mga kaso sa buong Northern Mindanao.

Ayon kay Judge Ravedaz, malaking tulong sa kaniya ang malasakit ng heneral na mabigyan ng security escort dahil sa maselang kaso na kaniyang hinahawakan.

Samantala, ayon kay Gen. Timoteo Pacleb, layunin ng kapulisan na masiguro ang kaligtasan ng mga huwes sa kanyang area of responsibility kaya’t sinisiguro nito na nasa maayos at ligtas ang mga judge sa lalawigan para na rin hindi malusutan ng masasamang elemento.

Umaasa naman ang pamilya ng mga biktima na mabigyan ng hustisya ang namatay sa pamamagitan ng pagsisikap ng mga pulis at suporta ng mga mamamayan.