MPD HQ at ilang police station sa Maynila ininspeksyon ng NCRPO

(Eagle News) — Sinupresa ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Guillermo Eleazar ang facility center ng manila police district headquarters sa United Nations, Maynila Miyerkules ng gabi.

Ito’y matapos ang natatanggap nilang impormasyon na malayang nakakalabas ng kulungan ang nakadetine ditong si PO1 Eduardo Valencia na sangkot sa kasong rape.

Nasa maayos naman ang kulungan pati ang mga inmate na nakakulong sa nasabing facility pero napuna ni Eleazar ang masikip at tila siksikang mga inmate sa bawat selda.

Sunod namang pinuntahan ang Police Community Precinct 1 sa Pandacan, Maynila kung saan ininspeksyon din ang buong opisina.

Naabutan naman ang mga tauhan sa istasyon na gising at alerto.

Pinuntahan din ang MPD Station 6 sa Sta. Ana, Maynila. Naka full alert at complete uniform lahat ng tauhan ng Station 6 at sinalubong naman ng magiliw si Eleazar.

Lahat ng opisina ay ininspekyon din at wala namang nakitang paglabag.

Huli namang pinuntahan ni Eleazar ang MPD Station 9 sa Malate, Maynila.

Inabutan namang gising lahat ng tauhan ng istasyon at alerto sa presinto.

Gising din ang officers-in-charge sa nasabing presinto.

Sa naging pag-iikot ni Eleazar sa mga presinto wala naman itong nakitaan ng paglabag at naka alerto naman lahat ng mga PNP personnel sa mga binisita nyang presinto.

Nais lamang siguraduhin ng NCRPO na gising at alerto lahat ng pulis lalo na sa gabi at papalapit nanaman ang holiday season na kung saan nauuso na naman ang holdapan at pag-atake ng mga kawatan. (Eagle News Service Earlo Bringas)