MILF, umatras na sa planong makipagnegosasyon sa Maute sa Marawi City

(Eagle News) – Umatras na ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa planong pangunahan ang pakikipag-negosasyon sa Maute Terror Group sa Marawi City.

Ayon kay MILF Chairman Al-haj Murad Ebrahim, magiging mahirap ang mamagitan dahil mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagsabing hindi makikipag-usap ang gobyerno sa mga terorista.

Malabo na aniyang makumbinseng sumuko ang mga miyembro ng Maute Group dahil tiyak na bago pa nila isagawa ang planong pag-atake ay nakahanda na ang mga ito na mamatay nang nakikipaglaban.

Aminado si Ebrahim na sa loob ng apat na dekada niya bilang rebelde ay ngayon lamang siya nakakita ng matinding bakbakan gaya ng nangyayari sa Marawi City.