Mga ulat na nakapasok ang African swine fever-infected products sa Pilipinas, tinawag ni Sec. Piñol na ‘false alarm’

(Eagle News) – Wala umanong nakapasok sa bansa na pork products mula sa Belgium na apektado ng African swine fever.

Ayon kay Agriculture Secretary Emmanuel Piñol, false alarm lamang ang mga ulat na isang milyong kilo ng pork products na infected ng African swine fever ang nakapasok sa bansa.

Ang mga imported pork aniya na mula sa Belgium ay nasasaklaw ng sanitary at phyto-sanitary permits.

Dagdag pa ng kalihim, ang mga nasabing permit ay inilabas bago ang implementasyon ng pagbabawal sa importasyon ng karne ng baboy mula sa Belgium.

Ang pork shipment aniya ay hindi saklaw ng Department of Agriculture Memorandum Order na inilabas noong September 17, 2018 na nagbabawal sa importation ng karne ng baboy mula sa Belgium at sa iba pang bansa na mayroong african swine fever gaya ng China, Hungary, Latvia, Poland, Romania, Russia, at Ukraine.

Sa kabila nito, sinabi ni Piñol na ipagpapatuloy pa rin ng Pilipinas ang pagbabawal sa pork shipments mula sa Belgium.