Mga sangkap at aparato na maaaring makagawa ng shabu, nasabat ng awtoridad sa Pasig City; 2 suspek arestado

Ni Earlo Bringas
Eagle News Service

PASIG CITY, Metro Manila (Eagle News) — Aabot sa mahigit apat na bilyong piso na halaga ng sangkap na panggawa ng shabu at mga aparato ang tumambad sa mga operatiba ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa isang abandonadong van sa parking lot sa Pasig City madaling araw nitong Huwebes, Nobyembre 29.

Nadiskubre ang mga kontrabando matapos na magsagawa ng isang buy-bust operation laban sa dalawang suspek–Korean national na si Jeong Hee Kim at ang isa pa nitong kasama na si Marvin Yu—sa dalawang lugar sa Caloocan at Pasig City.

Naaresto ang dalawa, na tumangging kanila ang kontrabanda.

Ayon kay NCRPO Chief Guillermo Eleazar, 19 na araw nang nakaparada ang sasakyan sa nasabing parking lot.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang mga suspek at mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.