Mga residente sa Boracay, kukumbinsihing lumipat para mapaluwag ang isla

(Eagle News) — Isa sa mga plano ng lokal na pamahalaan ng Aklan ang pag-kumbinse sa mga residente ng Boracay na lumipat sa mainland o mas malaking bahagi ng lalawigan.

Ito ay para maging maluwag ang isla, dahil mas marami ang residente kaysa turista.

May mga kaso rin ng mga ilegal na naninirahan sa isla na isa sa mga sanhi ng polusyon dahil hindi sila naka-kabit sa sewage system.

Bagaman kinukonsidera ang pag-kumbinsi sa mga residente na lumipat, hindi naman aniya ito nangangahulugan na may pamimilit.

Ayon sa Department of Tourism (DOT), nasa dalawang milyong turista ang bumisita sa Boracay nitong 2017 na nag-aambag ng halos Php 50 bilyon.