Mga kandidatong sangkot sa premature campaigning dapat tukuyin ng Comelec—BMP

(Eagle News) — Dapat tulungan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga botante para mabatid kung sinong kandidato sa 2019 mid-term elections ang nangangampaniya na kahit wala pang campaign period.

Ito ang hamon ng grupong Bukluran ng Manggagawang Pilipino sa Comelec kasunod ng pag-amin nito na wala silang karapatan para papanagutin ang mga kandidato na may premature campaigning.

Una nang sinabi ni Comelec Spokesman James Jimenez na wala silang magagawa patungkol sa pre-mature campaigning at sa halip ay hinikayat nito ang mga botante na huwag na iboto ang mga kandidato na maagang nangangampaniya.

Ayon sa grupo, bagama’t sang-ayon sila sa posisyon ni Jimenez, subalit tungkulin nito na ipaalam sa publiko kung sinu-sinong kandidato ang lumalabag sa mga panuntunan sa halalan.