Mga driver ng malalaking sasakyan, dapat sumailalim sa training – road safety specialist

(Eagle News) — Naniniwala ang isang road safety specialist na panahon na upang magkaroon ng totohanan at pormal na pagsasanay ang mga nais maging driver ng mga malalaking sasakyan gaya ng truck.

Kasunod na rin ito ng aksidente sa Mindanao Avenue noong Martes, Agosto 14, sa lungsod ng Quezon kung saan isang concrete mixer ang nakadagan sa puting kotse na ikinamatay ng driver nito at ikinasugat ng apat katao.

Ayon kay Jason Salvador na dating opisyal ng Land Transportation Office at project manager ng Ateneo De Manila University, hindi na bago ang ganitong pangyayari kahit pa na may mga regulasyon na ukol sa road safety.

Truck driver’s academy, ipinanukala

Isa aniyang reyalidad na karamihan sa mga tsuper ang natuto lamang na magmaneho ng sasakyan sa kanilang pagsama sa pamamasada o kaya’y naging pahinante ng isang sasakyan.

Panahon na raw aniya na maisapormal ang pagkakaroon ng truck driver’s academy para mapataas ang antas ng kaalaman ng isang tsuper.

Sa tala ng World Health Organization, pang-siyam ang road crash sa mga sanhi ng kamatayan sa buong mundo.

Human error ang pangunahing dahilan ng aksidente sa kalsada.

Sa pag-aaral ng Global Road Safety Partnership, aabot sa 342 million pesos ang nawawala kada taon bunsod ng road crash injuries.

Bukod pa rito mahigit dalawang bilyong piso ang nawala sa kita dahil sa pagkamatay dulot ng aksidente sa kalsada.

Maayos na implementasyon 

Maituturing umano itong isang health issue na masosolusyunan at pwede namang iwasan.

Subalit para sa isang opisyal ng WHO, kahit maraming regulasyon ang ipinatupad at nais pang ipatupad ukol sa road safety, problema pa rin ang maayos na implementasyon nito.

Sa huli, hindi lamang daw ang pamahalaan ang dapat tumugon kundi dapat tumulong ang lahat ng sektor upang mapanatili ang kaligtasan sa daan.

(Eagle News Service Jerold Tagbo)

https://youtu.be/Ep8D0C2bgzI