Mga dayuhan sa bansa, may hanggang Marso 1 para sa mandatory annual reporting – BI

(Eagle News) – Patuloy namang nagpapaalala ang Bureau of Immigration na simula ngayong buwan hanggang sa Marso 1 ay kailangan ng magreport ng lahat ng mga dayuhan sa kanilang tanggapan para sa mandatory annual reporting.

Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, ang annual reporting ng mga dayuhan ay kinakailangan gaya ng nakasaad sa 1950 Alien Registration Act.

Sa nasabing batas, lahat ng rehistradong dayuhan ay dapat na magreport sa main office ng ahensya sa Intramuros, Maynila o sa pinakamalapit na tanggapan ng BI, satellite o extension office sa kanilang lugar sa loob ng unang animnapung araw ng taon.

Mahaba na aniya ang dalawang buwan kung kaya wala ng dahilan para sa mga dayuhan na hindi makapagsagawa ng annual report.

Paliwanag pa ni Morente, papatawan ng parusa ang mga hindi makakatugon sa annual reporting at nagbabala na maaaring magresulta ito sa pagpapataw ng multa o kanselasyon ng kanilang registration.

Saklaw ng batas ang mga resident foreign nationals na mayroong immigrant or non-immigrant visas at mga holder ng alien certificate of registration identity card.