Umano’y manlolokong Nigerian national, arestado ng NBI

(Eagle News) — Naaresto ng National Bureau and Investigation Cyber Crime Division ang isang Nigerian national matapos hingan ng pera ang isang Pilipina kapalit ang isang pekeng negosyo na  inaalok nito.

Nakilala ng Pilipinang biktima ang suspek na si Joseph Kamano sa isang social media site noong Enero ng kasalukuyang taon.

Matapos makuha ang tiwala niya ay doon na anila inalok ng suspek ang biktima at sinabing siya ang magmamando ng negosyong kanilang itatayo sa kasunduang babayaran nito ang charges o gastusin sa delivery pati ang certification of ownership na nagkakahalaga ng Php 949,610.00.

Ang problema, hindi  dumating ang napagusapang package mula sa suspect, sa halip muling hiningan ng pera ang biktima kaya doon na siya humingi ng tulong sa NBI.

Paalala ng mga otoridad, huwag basta basta maniniwala sa mga nakikilala sa social media at nag-aalok ng negosyo lalo na at humihingi ng pera.

Hinikayat din ng mga otoridad na mas makabubuting humingi ng tulong sa kanilang tanggapan upang mabatid na lehitimo ang kanilang papasuking transaksyon.