Residential area sa Pasay City, nasunog




PASAY CITY (Eagle News) – Kuhang kuha sa isang cellphone video ang paglagablab pa ng apoy habang tinutupok nito ang aabot sa higit 20 bahay sa Pasay City Martes ng gabi.

Sa sobrang laki ng apoy sa Brgy. 46, Tramo, pasado alas 9:00 ng gabi, halos umabot ito sa mga katabing bahay at gusali.

Kaniya kaniyang hakot ang mga residente sa lugar. Ang mga nakatira malapit sa nasusunog na kabahayan ay nagpasya nang lumikas sa takot na abutin ng apoy ang kanilang bahay.

Ilang minuto lamang ang lumipas ay umakyat na sa ikatlong alarma ang sunog.

Tumulong na rin ang mga residente sa lugar sa pag-apula ng apoy. Mabilis na kumalat ang apoy dahil ang mga bahay ay halos gawa lamang sa light materials.

Sunod-sunod ding dumating ang karagdagang pwersa ng mga fire truck ng Bureau of Fire Protection mula sa mga karatig lugar upang mapabilis ang pag-apula ng apoy.

Nahirapan ang mga bumbero sa pag aapula ng apoy dahil sa kitid at sikip ng kalsada sa lugar. Dalawa ang naitalang sugatan kabilang ang isang bumbero na agad namang nalapatan ng paunang lunas at naisugod sa ospital.

Bandang 3:04 ng madaling araw nang ideklarang fire out ang sunog.

Hinihinalang nagsimula ang sunog sa tahanan ni Nano Hernandez.

Tinatayang aabot naman sa Php 350,000 ang pinsala sa nangyaring sunog.

Samantala, pansamantala munang manunuluyan sa mga itinalagang evacuation centers ang mga pamilyang naapektuhan ng sunog. Ito ay habang isinasagawa pa ang imbestigasyon sa insidente.

(Earlo Bringgas at Mica Alejandro, Eagle News Correspondents)