Pampasaherong jeep, bumangga sa isang bus

FILE PHOTO: There were almost no vehicles plying Commonwealth Ave. on Thursday morning. Meanne Corvera, Eagle News Service
Commonwealth Avenue /Meanne Corvera/ Eagle News Service

 

(Eagle News) — Halos mayupi at pumailalim ang harapang bahagi ng isang pampasaherong jeep sa  likurang bahagi ng bus sa westbound lane ng Commonwealth Ave, Quezon City.

Wasak ang makina, basag ang windshield at hood ng jeep na may biyaheng Lagro-Cubao matapos  bumangga sa JFT liner bus na minamaneho ni Ruben Kempis.

Ayon sa bus driver, nagsasakay siya ng pasahero nang bigla na lang silang salpukin ng jeep.

Nagulat umano siya ng may kumalabog sa likurang bahagi ng kanyang minamanehong bus.

Pagtingin niya sa kanyang side mirror ay nakaipit na pala doon ang jeep.

Agad umanong tumakbo papalayo ang driver ng jeep at wala naman itong sakay na pasahero.

Sa inisyal na imbestigasyon ng QCPD traffic sector 5, mabilis ang andar ng jeep at hindi na kinaya ng preno nito kaya ito bumangga.

Dagdag pa anila ang madulas na kalsada dahil sa pag-ulan.

Sakaling mahuli ang driver ng jeep ay kakasuhan ito ng reckless imprudence resulting in damage to property.