Mahigit PHP 300-M na halaga ng shabu, nasabat sa Las Piñas City

LAS PIÑAS CITY, Metro Manila (Eagle News) – Tinatayang nasa mahigit na Php 300 milyong halaga ng shabu ang nasabat ng mga awtoridad sa Las Pinas kagabi, June 13.

Tumambad sa mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency at Southern Police District na pumasok sa isang kwarto sa isang warehouse sa Brgy. Manuyo, alas 9:00 ng gabi, ang apat na styro box na naglalaman ng 72 plastic na naglalaman ng iligal na droga.

Nakita naman sa ikatlong palapag ang mga makinarya sa paggawa ng shabu.

Ayon kay Philippine National Police Chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa, posibleng nakatunog ang mga suspek kung kaya’t walang inabutan sa loob ng warehouse.

Aniya, ang droga na nasabat ay galing sa ibang bansa.

Ang warehouse umano ang nagtatago ng mga shabu bago ipasok ito sa ibang lugar sa Pilipinas.

Aminado naman si Dela Rosa na kailangan pang paigtingin ang pag-iinspeksyon ng mga bagahe sa airport at mga pantalan upang hindi maipuslit ang mga ipinagbabawal na gamot.

Paliwanag naman ng PNP Chief na wala na gaanong shabu laboratory sa bansa dahil sa kampanya kontra-droga ng administrasyon Duterte at pakikipagtulungan ng mamamayan sa mga owtoridad.

May kaugnayan ang operasyon ng PDEA at SPD sa naunang dalawang operasyon sa Parañaque City ng mga awtoridad noong June 3.

Sa nasabing operasyon sa isang hotel ay nahuli ang diumano’y drug distributor na si Cheng Teho Chan.

Sa impormasyong nakuha sa nasabing suspek ay natunton ng mga awtoridad ang residential building sa Brgy. Moonwalk, Parañaque City noong June 7, kung saan nakuha ang kilo-kilong shabu na tinabunan naman ng mangga.

Sa kasalukuyan ay patuloy ang paghahanap ng mga awtoridad sa iba pang kasamahan ni Cheng.

Paulo Macahilas – Eagle News Service Reporter