Bulgarian national na sangkot sa ATM skimming, arestado sa Quezon City

QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Himas rehas ngayon ang isang Bulgarian national dahil sa paggamit ng pekeng automated teller machine card.

Naghinala ang security guard sa suspek na nakilalang si Orlin Grozdanov  Stoev dahil sa tagal nito sa ATM booth at sa pagkasuot nito ng mask at helmet.

Ayon pa sa Quezon City Police District,  lumipat pa ng ibang ATM booth ang suspect at doon nag withdraw ng pera.

Doon na siya sinundan ng mga pulis matapos magsumbong ang gwardiya sa kahina-hinalang kilos niya.

15 cloned ATM cards at cash

Nakuha sa suspek ang 15 cloned  ATM card, 51,000 pesos na cash, siyam na plastic ATM cards maging ang gamit nitong motorsiklo at mobile  phone.

Ayon sa QCPD,  gumagamit ng mga device ang suspek upang makuha ang information ng isang ATM card at ito naman ang ilalagay sa cloned ATM card upang malimas ang laman ng isang account.

Minsan nang nahuli ang suspek sa Guiguinto, Bulacan noong 2016 sa kaparehong kaso ngunit nakalaya matapos magpiyansa.

Paglabag sa RA 8484 o Access Device Regulation Act of 1998 ang kinakaharap na kaso ng Bulgarian national.