Mahigit P1 milyong halaga ng shabu, nasabat sa buy-bust operation sa QC

Ni Earlo Bringas
Eagle News Service

QUEZON CITY, Metro Manila (Eagle News) – Nasabat ng pulisya ang mahigit P1 milyong halaga ng shabu nitong Biyernes ng madaling araw sa Quezon City.

Nasa 250 na gramo ng shabu na nagkakahalagang P1, 250,000 ang nakuha sa sport utility vehicle na gamit nina Samim Mapandi at Junari Basher sa buy-bust operation na isinagawa ng Quezon City Police District Drug Enforcement Unit sa Brgy. Sto. Domingo.

Ikinasa ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon ang pulisya na may magdedeliver ng droga sa lugar na iyon.

Ayon kay QCPD District Director Guillermo Eleazar, matagal na raw na nag-ooperate ang mga suspek.

Karamihan umano sa sinusuplayan ng mga ito at ang kanilang mga parokyano ay sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila.

“So, makikita natin sa ebidensiya nakuha natin sa kaniya hindi ito maliit na drug pusher. Kinokonsider natin na one of the big suppliers ng drugs. Well nasa monitoring natin sila. Parang for a month ay kasama ito sa ating minomonitor na hindi lang talaga dito sa Quezon City… matagal na nilang ginagawa yan,” pahayag ni  Eleazar.

Todo tanggi naman ang nga suspek na sa kanila ang nasabat na mga shabu.

“No comment po ako… no comment… nadamay lang po, no comment po ako pasensiya na po,” pahayag ni Mapandi.

“Nasa labas lang po ako, yon lang po ang papel ko. Hindi po ako nagbebenta,”pahayag naman ni Basher.

Mahaharap ang dalawa sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.