Look: Mga maaaring pasyalan sa Tanay, Rizal

(Eagle News) — Ang bayan ng Tanay ay matatagpuan sa lalawigan ng Rizal, kung saan ay isa ito sa malaking bayan na malapit sa Metro Manila na mayaman sa magagandang atraksyon para sa mga turista.

Kung ikaw ay manggagaling ng Metro Manila ay halos dalawang oras lamang na biyahe hanggang sa mismong centro ng bayan nito.

Ang pagdaan naman sa Marcos Highway, Marikina City ang pinakaaccessible na daan dahil pagsapit sa Cogeo, Antipolo ay wala nang gaanong madaraanang traffic. Maluwag at maayos ang kalsada na daraanan at dito mo rin makikita ang magagandang tanawin papunta sa Tanay, Rizal.

Isa rin ang Tanay, Rizal sa puntahan ng motorcycle riders, lalo na kapag araw ng Linggo.

Malamig ang klima sa mataas na bahagi ng bayan dahil sa bulubundukin ng Sierra Madre na sagana sa mga puno. Makikita din ang “bed of clouds” sa madaling araw hanggang 8:00 ng umaga sa Sitio Mayagay sa bayan ng Tanay.

Kung kayo naman ay mahilig sa adventure, maraming lugar ang inyong pwedeng pasyalan. Isa na rito ay ang Calinawan Cave na dinarayo ng mga taga-ibang bayan o lungsod man.

Sa paglipas ng panahon ay mabilis ang pag-unlad ng bayan maging ang pagdami ng turista na dumadayo dito. Kaya naman tinutukan ng husto ng Department of Tourism (DOT) ang pangangalaga sa lahat ng mga lugar na pinapasyalan. Katuwang ng ahensya ang Department of Natural Resources and Environment (DENR) na syang tuwirang nangangalaga sa ganda ng kalikasan o mga kabundukan. Habang ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ay sa pagsasaayos ng mga kalda upang safe ang lahat ng tourist na pumupunta dito.

Isa naman sa pangunahing atraksyon dito ay ang Daranak Falls na kung saan ay may malinis at malamig na tubig. At sa halagang 50 pesos para sa head entrance fee ay makakaligo ka na kasama ang inyong pamilya, kung saan ay maaari rin kayong mag-picnic.

Mahigpit naman ang pagbabawal sa pagdadala dito ng nakalalasing na inumin. Ito’y upang matiyak ang kaligtasan ng mga naliligo rito.

Maging sa pagtatapon ng basura ay dapat wastong mailagay ito sa tamang lagayan upang mapanatili ang kalinisan ng kapaligiran.

Hindi lamang pasyalan ang Daranak Falls, ginagamit din ang lugar na para pagshootingan ng mga pelikula.
Sa taas na bahagi naman nito ay ang Batlag Falls, kadalasan ay maraming tao ang namamasyal at naliligo dito kung kaya’ t minabuting isaayos ang kalasada dito. Nariyan din ang Bakasyunan kung saan pwede kayong mag camping, team building at swimming.

Nito ngang November 12 2018 ay ipinagdiwang ang ika 412th founding anniversary ng bayan ng tanay kung kaya’t ito ay idineklarang Special Non-Working sa buong bayan na pirmado ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang Tanay, Rizal ay kilala din sa salitang “hane” na ang ibig sabihin ay “di ba.”

Tara at samahan ninyo kaming tuklasin ang iba pang mga atraksyon sa bayan ng Tanay, Rizal sa aming “Trip to hane” upang sa darating na bakasyon ay mayroong pupuntahan ang inyong pamilya para magkaroon ng bonding. (Eagle News Service Tantan Alcantara)