Look: Iba’t-ibang tourist attractions na maaaring bisitahin sa probinsya ng Bohol

(Eagle News) — Sa paglipas ng panahon, lalong nakikilala ang isla ng Bohol dahil sa mga pangunahing tourist attraction nito na dinarayo mga lokal na turista at mga dayuhan.

Ngunit bukod sa mga top tourist destinations sa lalawigan ng Bohol, unti-unti na ring umuusbong at nagpapakilala ang mas marami pang magagandang natural scenic spots sa lalawigan.

At sa pagbubukas ng pinakabagong Bohol Panglao International Airport, ang kauna-unahang eco-airport ng bansa, ay nabigyan din ng pagkakataon na mabuksan para sa turismo ang mga tinatanging kagandahan ng kalikasan at atraksyon mula sa iba’t ibang bayan sa probinsya, bagay na ikinagalak ng mga residente at lokal na pamahalaan.

Bukod sa mga pamosong atraksyon tulad ng Chocolate Hills, Panglao Island white sand beaches at historical site, dinarayo na rin ng mga adventurers ang maraming bagong natural tourist destination ngayon sa isla ng Bohol.

Isa na rito ay ang Loboc Wildlife and Nature Park sa bayan ng Loboc.

Sa loob ng dalawang ektaryang naturally forested land makikita at inaalagaan ang mahigit dalawampu’t limang (25) species ng exotic animals na mula pa sa Papua New Guinea, Africa, China at iba pang bansa.

Ayon naman sa mga nangunguna sa establisyemento, napapanatili nilang maayos at malinis ang lugar para sa ikabubuti ng mga exotic animals sa park.

Isa ding dinarayo na bagong tourist destination ang tinaguriang “Danao’s Sea of Clouds”. Matatagpuan ito sa bayan ng Danao, 95 kilometers ang layo mula sa Tagbilaran City.

Makikita ito mula sa matataas na bahagi ng kabundukan, na habang unti-unting sumisikat ang araw ay masisilayan ang mistulang karagatan ng puting ulap sa ibabaw ng buong bayan.

Sumikat sa iba’t-ibang networking sites ang nasabing ‘’Danao’s Sea of Clouds’’ nang una itong nai-post at nadiskobre ng isang hobbyist photographer na tubong Danao na si Reil Anthony Cenabre.

Lalong dumami ang mga bumibisita at kinaaaliwan ng mga adventure seekers ang Danao Adventure Park dahil sa kanilang extreme rides. Isa sa mga pinaka nag viral at dinarayo na gustong subukan ng mga turista ay ang tinawag na “The Plunge,” ang world’s highest canyon swing.

Gamit ang safety gears, harness cables at sa tulong ng well-trained guides, ihuhulog ka sa 45 meters extreme drop.

Bukod pa dito sa ay meron ding river kayaking, slide at sky ride at ang pinakabago nitong extreme attraction ay ang 10 meters glass cliff walk na may 200 meters above the ground.

Kinahuhumalingan din ng mga adventure seekers at nature lovers ngayon ang The Alicia Panoramic Park, Rolling Hills na matatagpuan sa bayan ng Alicia. Dahil sa tulong ng social media, ang TAPP ay unti-unting nakikilala at minsang binansagang latest most ‘instagramable’ place in Bohol.
Paano ito mararating?

Mula sa Tagbilaran City ay bibiyahe pa ng mahigit dalawa hanggang tatlong oras papunta ng Bgry Cambaol, kasama pa ang off road travel kung saan magsisimula ang trail paakyat ng The Alicia Panoramic Park.

Mula sa pinakaibaba ng trail ay aabutin ng mahigit dalawang oras na pag-akyat at paglalakad bago marating ang Binabaje Peak kung saan pwede nang magpahinga at mag camping.

Matatanaw naman mula sa peak ang napakaganda at breathtaking view at mayamang kalikasan ng isla ng Bohol na siguradong ma-eenjoy ng trail seekers.

Ibinibida naman ng bayan ng Jagna ang kanilang napakagandang Kinahugan Falls na matatagpuan sa Sitio Karap-Agan. Ang malamig, malinis at preskong Kinahugan ay may tatlong waterfalls na may taas na 50 feet.

Samantala, bukod sa magagandang beaches sa bayan ng Anda, kinagigiliwan din ng mga turista ang paliligo sa Cabognow Cave Pool sa Sitio Fatima, Bacong. Ang presko at malamig na tubig sa kweba ay may 20-25 feet na lalim at cliff na 15-18 feet, perfect para sa cliff diving experience.

Kung hilig mo naman ay food trip, patok din sa Bohol ang carabao milk products ng the dairy box.
Nagmumula sa carabao farm ng probinsya ang fresh at healthy pasteurized carabao milk na kanilang ibinibenta.

Bukod sa freshmilk, choco at mango flavored variants, mayroon din silang masasarap na food products tulad ng milk torta, squash cake, milk cake at ang pinaka-patok sa mga turista, ang kanilang carabao milk ice cream na may maraming flavors.

Kaya sa mga gustong sulitin ang kanilang mahabang bakasyon, punta na sa isla ng Bohol. Marami ang maaaring subukang paslayan sa isla na siguradong magiging memorable at inyong babalikan. (Eagle News Service Ali Rosales)