Limang vintage bomb, nahukay sa Daraga, Albay

Ni Jorge Halliare
Eagle News Service

DARAGA, Albay (Eagle News) – Limang bomba na gamit pa noong panahon ng Hapon ang narekober sa construction site ng Jiggy’s Terminal sa Purok 1, Brgy. Kimantong, Daraga, Albay nitong weekend.

Sabado ng umaga nang mahukay ang limang ‘155 howitzer projectiles’ vintage bomb na pinaniniwalaang inihulog ng mga Hapon noong World War II ngunit hindi pumutok.

Ayon sa Daraga Police, bandang 8:45 ng umaga noong Sabado nang makahukay ang mga construction worker ng dalawang bomba sa lugar. Kaya agad nila itong ipinagbigay-alam sa mga pulis.

Habang iniimbestigahan ng grupo ni SPO4 Ramon Frades ng Explosive Ordnance Division ng Camp General Simeon Ola ang dalawang bomba, muli na namang nakahukay ng tatlo pang vintage bomb ang mga trabahador.

Agad inilagak sa loob ng EOD Section sa loob ng Camp General Simeon Ola ang mga narekober na bomba para sa kaukulang disposisyon.

(Eagle News Service)