Libreng kasal at birth registration isasagawa ng Pamahalaang Lokal ng Dipolog City

DIPOLOG CITY, Zamboanga del Norte (Eagle News) – Nakatakdang isagawa ng Pamahalaang Lokal ng Dipolog City ang libreng kasalan at birth registry sa buwan ng Pebrero. Ito ay bilang pagsuporta sa Civil Registration Month kung saan isinasagawa na nila ito taun-taon.
Ayon kay City Civil Registrar Rosemarie P. Miranda, nagsimula ang proyektong ito noong 2007. Sa darating na ika-10 ng Pebrero idaraos ang libreng kasalan sa 2nd floor ng Boulevard Commercial Building. Ang libreng birth registry naman ay isasagawa sa mismong tanggapan nito sa darating na Pebrero 15.
Dagdag pa, napakahalaga aniya ng pagrerehistro mula sa birth, death, marriage, at iba pang uri ng registration sapagkat ito ay mahahalagang dokumento na magpapatunay ng legal na pagkatao o identity ng sinuman.
Samantala, patuloy na inaanyayahan ang mga interesadong magpakasal na makipagkita sa mga personahe ng City Civil Registrar, para sa requirements. Ang deadline ng pagrerehistro sa libreng kasal ay sa huling araw ng buwang ito.
Lady Mae Reluya – EBC Correspondent, Zamboanga del Norte