Lalaki patay matapos mang-agaw ng armas sa isang police escort

Courtesy: Mangaldan Police

Ni Nora Dominguez
Eagle News Service 

MANGALDAN, Pangasinan (Eagle News) – Patay ang isang lalaki matapos na mang-agaw ng baril sa isang police escort sa Mangaldan, Pangasinan nitong Miyerkules, Oktubre 3.

Ayon kay Supt. Jay Benitez Baybayan, hepe ng pulisya sa nabanggit na bayan, ang nasawi ay si Klyd Doria Conde na may kinakaharap na kasong paglabag sa pag-iingat ng deadly weapon, illegal possession of ammunition at illegal drugs.

Ayon kay Provincial Director Wilson Joseph Lopez, binabaybay ng mobile ng police sa Mangaldan ang highway pabalik sa police station matapos ang inquest proceedings kay Conde nang inagaw nito ang baril ng police escort bandang 6:00 ng gabi.

Kinilala ang inagawan ng armas na si PO2 Mar Joseph Briones. Nagresulta ito sa duwelo ng dalawa na sinundan ng sunud-sunod na putok ng baril.

Dahil dito ay binaril ng isa pang police na si PO2 Dennis Cuizon si Conde na tinamaan naman ng bala sa katawan.

Naisugod pa sa Mapandan Community Hospital si Conde ngunit idineklara rin itong dead on arrival.