Konstruksyon ng MRT 7, nagsimula na; ilang lane sa Commonwealth Avenue, isinara

(Eagle News) — Target ng Department of Transportation (DOTr)  na matapos ang MRT-7 at Line 8 ng train system sa bansa bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 2022.

Ayon kay DOTr Undersecretary Cesar Chavez, agad isusunod ang konstruksyon ng Line 8 pagkatapos ng MRT-7 na inaasahang matatapos sa susunod na dalawang taon.

Ang MRT-7 at Line 8 ang aniya’y magdurugtong sa iba’t-ibang linya ng tren sa Metro Manila kabilang na ang PNR.

Kapag natupad aniya ang malaking proyektong ito, maaari nang libutin ang Metro Manila sa pamamagitan ng tren lamang.

Base sa naging orihinal na plano ay dapat North Avenue ang konstruksyon ng MRT 7 subalit nang dahil sa may ginagawang tunnel ay ang unang bahagi ng Commonwealth Avenue sa may United Nations Avenue  hanggang Tandang Sora Avenue ang maapektuhan ng kontruksyon.

Ayon kay Ret. Gen Elmo San Diego ng Head of Public Order and Safety ng Quezon City, sa unang araw ng pagsasara sa mga lanes ay wala namang naging problema sa daloy ng trapiko sa bahagi ng Commonwealth Avenue. Isinara ang ilang lanes para bigyang daan ang construction ng MRT 7 project.

Inaasahan aniya nila na sa susunod na linggo ay sisimulan na ang construction ng MRT 7 dahil parating na ang mga iba pang kagamitan

Dagdag pa ni San Diego, tuwing gabi ang magiging delivery ng mga kagamitan  at paggawa ng MRT 7.

Nagdagdag din aniya sila ng mga mga traffic enforcer na magmamando sa trapiko.

Umapela rin sila sa mga pasahero na agahan ang pagpasok sa trabaho para hindi maipit sa trapiko.

Sa panig naman ng mga driver ay mahalaga anila ang kooperasyon ng mga driver na sumunod sa traffic rules upang mapagaan ang biyahe.