Klase sa lahat ng antas sa Pangasinan sa Oct. 30-31 sinuspende na ng pamahalaang panlalawigan

(Eagle News) — Sinuspende na ng pamahalaang panlalawigan ng Pangasinan ang klase sa lahat ng antas ngayong araw hanggang bukas dahil sa Bagyong Rosita.

Sa inilabas na memorandum order ng provincial government ay ipinag-utos sa mga Pangasinanse ang maagang paghahanda sa posibleng hagupulit ng bagyo sa lalawigan upang tiyakin ang kaligtasan ng mga mag-aaral.

Maliban sa suspension ng klase sa lahat ng antas sa pribado at pampublikong paaralan ay sinuspende rin ang trabaho sa local government offices at national agencies maliban sa mga tanggapan na kabilang sa disaster monitoring at emergency response.

Ipinauubaya naman sa mga pribadong opisina ang pagsuspende ng pasok ng mga private employees.

Inatasan din ang mga mayor at mga local disaster and management team na gawin ang kaukulang paghahanda o preemptive evacuation sa mga hazard prone areas tulad ng mga coastal areas sa posibilidad ng storm surge at landslide prone areas.

Naglabas ng babala ang National Power Corporation (NAPOCOR) na nakatakdang magbukas ng spillgates mamayang alas 11 ng tanghali.

Ayon kay Odette Rivero, tagapagsalita ng NGCP magbubukas ng gates ang San Roque Dam bilang anticipation sa pagsalo ng tubig sa Binga at Ambuklaw dam na nagsimula nang magbukas ng floodgates dahil sa nararanaang pag-ulan sa upstream ng Agno.

Ayon sa NAPOCOR, inaasahang hindi naman magdudulot ng pagbaha sa flood warning zone ng Agno River ang pagpapakawala ng tubig sa San Roque Dam.

Eagle News Pangasinan Bureau Nora Dominguez