Kahun-kahong unregistered beauty products, nasabat ng FDA at QCPD

Ang mga kahon-kahong produktong pampaganda na nasabat sa isinagawang raid ng Food and Drug Administration at ng QCPD – Special Operations Unit sa may Brgy. Tandang Sora, Quezon City nitong Martes, Pebrero 20, 2018. Ian Jasper Ellazar/Eagle News Service/

Ni Ian Jasper Ellazar
Eagle News Service

QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) – Kahun-kahong produktong pampaganda ang nasabat sa isinagawang raid ng Food and Drug Administration (FDA) at ng Quezon City Police District sa Quezon City nitong Martes, Pebrero 20.

Ayon kay Regional Director Oscar Albayalde, itinuturing nilang smuggled ang mga produkto nasabat  sa raid bandang alas 10:30 ng umaga dahil sa mga branded at nagmula ito sa iba’t ibang bansa na hindi naman narehistrado sa FDA.

Aniya, maging ang mga gamit na pang-deliver sa mga produkto na pag-aari ni Michelle Cablayan ay peke din.

Pinasok din ng mga operatiba ang isang condo unit sa may Cherry Orchards Suite na hindi kalayuan sa bahay, kung saan na-recover din ang kahung-kahong smuggled na produkto.

Isa ring bodega ng mga produkto ang sinugod din ng mga operatiba sa pangunguna ni QCPD director Guillermo Eleazar sa may Brgy. Paltok.

Tinatayang nasa dalawang truck ang mga nasabat na iligal na produkto na mag-uundergo sa testing ng FDA.