Isang estudyante, arestado sa pagbebenta ng high-grade na marijuana sa QC

QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Isang estudyante ang naaresto ng otoridad sa isinagawang buy-bust operation sa isang gasolinahan sa Aurora Boulevard, Quezon City, Huwebes ng gabi, Enero 18.

Ang suspek ay nakilalang si Mikey Santos, 21-anyos, isang 4th year marketing student sa isang kolehiyo sa Mandaluyong.

Nakuha mula kay Santos ang 10 sachet ng kush o high-grade na marijuana na tinatayang aabot sa Php 25,000 ang halaga.

Ayon kay Senior Insp. Joel Cabauatan ng District Drug Enforcement Unit ng Quezon City Police, isang tauhan nila ang nagpanggap na buyer para bumili kay Santos. Matapos maisagawa ang transaksyon ay agad na ikinasa ang pagdakip sa suspek.

Ayon kay Cabauatan, nauuso na ngayon ang kush dahil malakas ang tama nito kumpara sa ordinaryong marijuana. Ngunit aniya, mas delikado sa katawan ng tao ang kush.