Isang barangay kagawad sa Dimataling, Zamboanga del Sur, patay matapos pagbabarilin sa loob ng kaniyang bahay

Bahagi ng bahay ng biktimang si Brgy. kagawad Arao Bonga./Ferdinand C. Libor Jr./Eagle News Service/

By: Ferdinand C. Libor Jr.
Eagle News Service

DIMATALING, Zamboanga del Sur (Eagle News) – Dead on the spot ang isang barangay kagawad matapos pagbabarilin sa loob ng kaniyang bahay sa Zamboanga del Sur.

Kinilala ang biktima na si Arao Bonga, 58 taong gulang, isang peace and order chairman sa  Brgy. Poblacion, Dimataling.

Base sa inisyal na imbestigasyon, habang nanunuod ng telebisyon sa loob ng kaniyang bahay ang biktima noong Lunes, bandang alas 8:00 ng gabi, isang di pa kilalang suspek ang biglang pumasok at pinagbabaril ang biktima gamit ang M16 armalite.

Nagtamo ng tama ang biktima sa ulo at sa iba’t ibang bahagi ng katawan na siyang dahilan ng kaniyang agarang pagkamatay.

Agad namang tumakas ang suspek sa hindi pa matukoy na lugar matapos magawa ang nasabing krimen.

Nakuha sa crime scene ang 16 na basyo ng M16 armalite.

Away sa pamilya naman ang tinitingnan na anggulo ng mga otoridad sa nasabing pamamaril.