Isang bangkero nasagip ng PCG sa Araceli, Palawan

ARACELI, Palawan (Eagle News) — Nasagip ng Philippine Coast Guard ang isang bangkero sa Araceli, Palawan kamakailan.

Kinilala ang nasagip na si Mark Gil Pantinople, 28 taong gulang at residente ng nasabing munisipilidad.

Ayon kay Coast Guard Spokesperson Captain Armand Balilo, nakatanggap ng tawag ang lokal na Coast Guard Station sa Araceli tungkol sa isang unregistered motor banca na hinahampas ng malalakas na alon dulot ng masamang panahon.

Agad na dinispatsa ang mga rescuer sa lugar para magsagawa ng rescue operations at nakita ang bangkero na lulan ng papalubog nang bangka.

Nailigtas si Pantinople, habang hinila naman patungo sa pampang ang kanyang motorbanca.

Patuloy ang paalala ng Coast Guard na delikadong pumalaot sa dagat ang mga maliliit na bangka kapag masama ang panahon.