Ilang baybayin sa bansa, nagpositibo sa paralytic shellfish poison, o “red tide”

Ni Miriam Timan
Eagle News Correspondent

(Eagle News) – Nagpositibo ang ilang baybayin sa bansa sa paralytic shellfish poison o mas kilala sa tawag na “red tide.” Ito ay base sa inilabas na shellfish bulletin ang huling resulta ng laboratory ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at ng Local Government Units (LGU’s) ang mga nakolektang shellfish mula sa Matarinao Bay sa Eastern Samar; Lianga Bay sa Surigao del Sur; Coastal Waters ng Dauis at Tagbilaran City sa Bohol; at Coastal Waters ng Milagros sa Masbate.

Maging ang Puerto Princesa Bay sa Palawan ay nag-positibo na rin sa red tide toxin.

Ang lahat ng uri ng shellfish at alamang na mula sa mga nabanggit na lugar ay hindi ligtas na kainin.

Ang mga lugar naman na hindi nabanggit sa listahan ay ligtas sa toxic red tide.

Samantala, ang isda, hipon, pusit at crabs o alimasag at alimango ay ligtas na kainin basta’t sariwa at hinugasang mabuti.

Ang mga lamang loob tulad ng hasang at bituka ng isda ay dapat ding alisin bago lutuin.