Ikalawang araw ng 33rd ASEAN Summit sa Singapore naging makabuluhan – Malacañang

(Eagle News) — Naging produktibo at makabuluhan ang ikalawang araw ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 33rd Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Singapore.

Ito ang inihayag ng Malacañang sa kabila nang hindi pagdalo ng Pangulo sa limang events sa ASEAN Summit.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, dumalo si Pangulong Duterte bilang dialogue coordinator sa 21st ASEAN-China Summit kung saan kanyang iginiit ang pagsusulong code of conduct (CoC) sa pinag-aawayang teritoryo sa West Philippine Sea.

Binigyang-diin naman ng Pangulo sa kanyang pagdalo sa 3rd ASEAN-Russia Summit ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mahigpit na ugnayan ng mga ahensiya ng Russia at ASEAN para labanan ang terorismo, karahasan at transnational crimes.

Samantala, pinasalamatan naman ni Pangulong Duterte ang Japan sa ibinigay nitong tulong sa mga biktima ng bagyong Ompong sa ginanap naman na 21st ASEAN-Japan Summit.

Maliban sa tatlong pagpupulong, nakipagkita rin si Pangulong Duterte kay Singaporean Prime Minister Lee Hsieh Loong sa pamamagitan ng isang bilateral meeting.

Sumaksi rin ang panggulo sa paglagda ng memorandum of understanding ng Eurasian Economic Commission and ASEAN on Economic Cooperation. (Eagle News Service Jet Hilario)

https://youtu.be/0f6sQKGfXjw