Ika-600 anibersaryo ng Kasaysayan ng pagkakaibigan ng PHL at China, gugunitain

MANILA, Philippines (Eagle News) — Bago pa man dumating ang mga Kastila, mayaman na ang ugnayan ng mga unang Pilipino sa mga karatig-bansa nito sa Asya.

Kaya ibat-ibang grupo ang nagtipon para gunitain ang mabuting relasyon ng mga Pilipino at mga Tsino, 600 taon na ang nakakalipas

Ayon kay Princess Jaycel Kiram ng Sultanate ng Sulu,  matatag na ang pakikipag-ugnayan ng mga unang Pilipino sa mga Tsino bago pa binansagan sa pangalang Pilipinas ang ating mga isla.

Naparito ang mga Tsino para makipagkalakalan na nagdala ng panibagong kaalaman sa mga unang Pilipino sa ibat-ibang larangan.

Ayon sa pahayag ni Princess Jaycel Kiram, taong 1417 nang magtungo sa Tsina ang hari ng Sulu na si Sultan Paduka Pahala kasama ang mga opisyales nito para makipagkita sa emperador.

Subalit, inabutan ng kamatayan ang Sultan habang nasa opisyal na pagbisita sa Tsina.

Kaya ipinag-utos ng Emperador na magpagawa ng libingan para sa Sultan bilang sagisag ng pakikiramay at pagtuturing na rin bilang kapatid sa mga unang Pilipino na nakapunta ng Tsina.

Bukod pa rito, aabot umano sa 4,000 inaapo ang hari ng Sulu sa Tsina.

Ang mga nasabing tala ng kasaysayan ay iilan lamang ang nakakaalam kaya nais ng mga Filipino-Chinese groups na ituro sa mga paaralan ang matibay nang relasyon ng mga unang Pilipino sa Tsina.

Samantala, sa Setyembre, gugunitain ang ika-600 taong anibersaryo ng pakikipagkaibigan ng Sultanato ng Sulu at ng Tsina sa pamamagitan ng paglulunsad ng ibat-ibang aktibidad sa tulong ng Filipino Chinese Community.

Kabilang na rito ang cultural exchange at mga serye ng programang magpapaunlad sa relasyon sa negosyo at kalakalan.

Sa kabila ng iba’t- ibang mga isyu lalo na sa West Philippine Sea, tiwala ang mga ito na matibay at hindi masisira ang pakikipagkaibigan ng Pilipinas at Tsina lalo’t kapwa isinusulong ng mga ito ang kapakanan ng bawat isa.

https://youtu.be/3g6W7NpZMb0