Iglesia Ni Cristo, paiimbestigahan ang pakikipag-ugnayan ng ilang tiwalag na INC members sa ilang dating opisyal ng militar

Paiimbestigahan ng Iglesia ni Cristo (INC) sa mga awtoridad ang nadiskubreng pakikipag-ugnayan ng ilang tiwalag na miyembro nito sa ilang dating opisyal ng militar.

Sa nakalap na impormasyon ng Eagle News Service, nakilala ang “conduit” ng grupo na si Bless Grace Hernandez-Ardona, na matagal nang tiwalag sa iglesia.

Lumilitaw na nakikipag-ugnayan si Ardona sa ilang ex-militray officer para sa mga tiwalag na miyembro ng INC na ngayon ay nananatiling naninirahan sa number 36 Tandang Sora, Avenue, Quezon City, na pag-aari ng INC.

Nais matiyak ng INC kung ano ang dahilan at kailangang makipag-ugnayan ng mga ito sa ilang dating opisyal ng militar.

Dahil dito, makikipag-ugnayan na rin ang INC sa pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kaugnay ng nasabing impormasyon.

Nabatid pa na nagpapakilala si Ardona na mayroon umanong malawak na koneksiyon sa Intelligence Community.

(Eagle News Service)