“Hired killer” na suspect sa tangkang pagpatay sa mayor ng Paraceles, Mountain Province, arestado


Paraceles, Mountain Province Mayor Avelino Amangyen positively identifies the suspect, George Guinabay, who tried to kill him last October. The suspect was presented by the police on Monday, December 4, 2017. (Photo courtesy Mar Gabriel, Eagle News Service)

By Mar Gabriel
Eagle News Service

(Eagle News) — Arestado sa operasyon ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) anti-organized crime unit ang hired killer na nasa likod ng tangkang pagpatay sa mayor ng Paraceles, Mountain Province.

Mismong si CIDG chief Police Director Roel Ubusan ang nagprisinta sa suspect na kinilalang si George Guinabay na naaresto sa isang restaurant sa Diadi, Nueva Vizcaya nitong Sabado.

Nitong Oct.10 2017 nang pagsasaksakin ng suspect sa Santiago, Isabela si Mayor Avelino Amangyen. Nabuhay naman ito sa kabila ng mga tinamong saksak sa katawan

Nakunan pa ng CCTV ang dalawang suspect na sakay ng motorsiklo na nabawi din ng mga pulis.
Positibo namang kinilala ni Mayor Amangyen ang suspect.

Kilala nya na rin daw ang tao na posibleng nag-utos sa suspek para siya’y ipapatay.

Base sa mga nakuhang I.D sa suspect, George Guinolbay ang ginagamit nitong pangalan at nagpapanggap ito na isang Philippine Army seargent.

Pinalalabas daw kasi ng suspect na kamag-anak sya ni Major Ruben Guinolbay na isang Medal of Valor awardee para na rin pataasin ang kanyang presyo.

Bukod kay Mayor Amangyen, si Guinabay din ang sinasabing nasa likod ng iba pang kaso ng pamamaslang, kabilang na ang pagpatay kina Brgy. Chairman Juancho Farolan ng Bambang, Nueva Vizcaya, at SPO3 Romeo bueno ng Alacapan, Cagayan.