Hepe ng QCPD Station 12, pinalitan na

(Eagle News) — Inalis na sa puwesto si Police Supt. Teresita Escamilian, hepe ng Quezon City Police District (QCPD) Station 12 sa Eastwood Libis.

Ito ay kaugnay ng naganap na barilan ng dalawang pulis sa loob mismo ng istasyon na naging dahilan ng pagkamatay ng umawat na supervisor.

Paglilinaw naman ni QCPD Director, PC/Supt. Edgardo Tinio, ang pagkatanggal ni Escamilian ay hindi dahil sa may direct liability o pananagutan ang station commander kundi ito ay bahagi ng proseso habang iniimbestigahan pa ang insidente.

Dagdag pa ni Tinio, hindi niya inaasahan na magkakaroon ng ganoong insidente sa naturang himpilan dahil aniya ang Station 12 sa Eastwood Libis ay kilalang pinakatahimik na istasyon ng pulisya.

Samantala, itinalaga naman si P/Supt. Jeffrey Bilaro bilang kapalit na station commander ng Station 12.