NCRPO, nananatiling naka-full alert status laban sa banta ng terorismo

(Eagle News) — Asahan pa raw ang pagpapaigting ng seguridad sa Metro Manila.

Ito ang sinabi ni National Capital Region Police Office Director Chief Superintendent Oscar Albayalde sa gitna nang kaguluhan sa Marawi City kung saan sangkot ang pinagsanib na pwersa ng grupong  Abu Sayyaf at Maute Group, laban sa militar at mga pulis.

Ang bakbakan ang naging dahilan ng pagdeklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ng martial law sa Mindanao.

Ayon kay Albayalde, asahan pa raw ang mas pinaigting na mga checkpoint at police visibility sa kalakhang Maynila.

Samantala, pinawi naman ni Albayalde ang pangamba ng mga residente kaugnay ng nangyaring gulo sa Marawi dahil wala pa naman daw silang nakikitang banta ng terorismo sa Metro Manila.

Gayunman, nananatiling alerto raw ang mga pinagsanib na pwersa ng Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines (AFP), local government units at iba pang ahensya ng pamahalaan.

Kooperasyon ng publiko, ipinanawagan ng NCRPO

Panawagan din ng opisyal, huwag basta maniniwala sa mga kumakalat na maling impormasyon sa social media na magpapalala sa sitwasyon at nagdudulot ng pagka-alarma ng mga mamamayan.

Hinikayat din niya ang kooperasyon ng publiko na i-ugnay o isumbong sa mga otoridad ang sinuman o anumang masumpungang kahina-hinala na posibleng makapaghasik ng karahasan.

Sa ngayon nananatiling kontrolado umano ng AFP at PNP ang buong rehiyon ng Mindanao.

(Eagle News Service, Ronald Nery)

https://youtu.be/zONIh6SAMbU