Fake gadgets at sabon na nagkakahalaga ng mahigit Php 2B, kinumpiska sa Maynila

(Eagle News) — Pinasok ng mga magkasanib na operatiba ng Customs Intelligence and Investigation Service at ng Enforcement and Security Service ng Bureau of Customs ang isang apartment building na ginawang warehouse sa Sta. Cruz, Maynila.

Tumambad sa mga ito ang kahun-kahong pekeng sabon maging mga pinekeng branded na electronic gadgets.

Dalawang linggong minanmanan ng BoC ang nasabing lugar kasunod na rin ng reklamo ng isang multinational company tungkol sa pamemeke ng kanilang mga produkto.

Napansin din ng ilang residente sa lugar ang kahina-hinalang kilos sa labas ng gusali.

Pawang nagmula umano sa China ang mga pinekeng produkto na aabot sa mahigit dalawang bilyong piso ang halaga.

Hindi naman nahuli sa operasyon ang may-ari ng gusali na nagngangalang si Jonathan Uy at ang tenant na nakilalang si Brian Lee.

Posibleng ibinabagsak ang mga counterfeit good sa mga malalaking pamilihan sa Maynila dahil sa malapit lamang ang mga ito sa warehouse.

Patuloy pa ang follow up operations ng Customs sa mga maaaring nagmamay-ari pa ng nasabat na produkto habang inihahanda na ang mga kasong isasampa sa may-ari at sa tenant ng gusali.

Ipinasisilip na rin ni Customs Commissioner Isidro Lapeña kung papaano nakalusot sa pier ang mga naturang produkto.

Ngayong nalalapit na ang holiday season at nagsisimula na ang kabi-kabilang pagsa-shopping, nagpapaalala ang BoC na maging mapanuri sa mga bibilhing gamit lalo’t karamihan sa mga pekeng produkto ay mabibili lang sa murang halaga subalit substandard ang pagkakagawa ng mga ito.

(Eagle News Service, Jerold Tagbo)