Driver ng hepe ng QCPD Station 5, arestado sa pangingikil; nagpanggap pang pulis


(Eagle News) — Bandang alas-tres ng hapon (3:00 PM) kahapon, Agosto 11 nang maaresto ng Philippine National Police- Counter Intelligence Task Force (PNP-CITF) sa entrapment operation ang lalaking ito na umano’y nagpapanggap na pulis at nangikil ng labinlimang libong piso (Php 15,000) sa isang naarestong drug suspect.

Kinilala ang suspek na si Joseph Ruallo na umano’y driver ng hepe ng QCPD Station 5 na si PSupt. Bobby Glen Ganipac.

Nabawi sa kanya ang marked money na ginamit na pain ng mga pulis at isang kalibre kwarenta’y singkong baril.

Suspek, idinawit ang ilang pulis sa kaniyang pangongotong

Pero giit ng suspek, napagutusan lang sya ng mga pulis na nakatalaga sa Drug Enforcement Unit ng Station 5 sa pangunguna ni SPO3 Mario A Samoy.

Hinala ng PNP-CITF, matagal nang ginagamit ng mga pulis ang suspek sa kanilang mga illegal na transaksyon.

Suspek, kinasuhan; among pulis at mga kasabwat,  ni-relieve sa puwesto

Sinampahan na ang suspek ng kasong Robbery Extortion at Usurpation of Authority habang robbery extortion ang inihain laban kay SPO3 Samoy na umanoy nag-utos sa suspek

Agad namang ipinarelieve sa pwesto ni QCPD District Dir. Guillermo Eleazar si SPO3 Samoy, PO3 Henry Tingle at PO1 Marlon Fajardo.

Sibak din sa puwesto ang amo ni Ruallo na si Psupt.Ganipac at ang Hepe ng Drug Enforcement Unit na si Police Chief Inspt. Severino Busa na kapwa sumasailalim na sa imbestigasyon.