DepEd official sa Negros Oriental, patay sa pamamaril

NEGROS ORIENTAL (Eagle News) — Patay sa pamamaril ang isang opisyal ng Department of Education (DepEd) noong Miyerkules ng tanghali, Agosto 30, sa Guihulngan South Central School, Guihulngan, Negros Oriental.

Ang biktima ay kinilalang si Oscar Solania Asildo Jr., administrative assistant II ng DepEd-Guihulngan, at nakatira sa Sitio Bateria, Barangay Poblacion.

Ayon sa pahayag ni Chief Superintendent Bonifacio Tecson ng Philippine National Police (PNP) – Guihulngan, habang nakasakay sa kanyang motorsiklo si Asildo Jr., ay bigla na lamang siyang nilapitan ng dalawang di pa nakikilalang lalaki at agad siyang binaril.

Ang biktima ay nagtamo ng ilang tama ng bala ng baril sa kanyang katawan at dinala agad sa Guihulngan District Hospital ngunit idineklara din ng mga doctor na dead on arrival.

(Er Mahusay – Eagle News Correspondent)