Dating miyembro ng MILF, patay sa pamamaril sa Kumalarang, Zamboanga del Sur

Larawan ni Modrika Abubacar alyas “Mog” na dating miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). (Photo courtesy of PNP Kumalarang)

KUMALARANG, Zamboanga del Sur (Eagle News) – Patay ang isang lalaki na dati umanong miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) matapos pagbabarilin ng riding-in- tandem sa Purok Malinawon, Barangay Poblacion, Kumalarang,  Zamboanga del Sur noong Martes, ika-28 ng Nobyembre.

Kinilala ng PNP-Kumalarang si Modrika Abubacar alyas “Mog,” 35, dating miyembro ng MILF at residente sa nabanggit na barangay.

Base sa imbestigasyon, habang papauwi ang biktima sa kanilang bahay bandang 10:54 ng umaga kasama ang kaniyang asawa sakay ng kanilang motorsiklo, isang motorsiklo rin ang biglang nag-overtake at pinagbabaril ang mga ito.

Nagtamo ng dalawang tama ang biktima sa dibdib at isang tama sa ulo.

Habang ang asawa naman nito ay suwerteng hindi nadamay sa insidente.

Nakuha sa crime scene ang tatlong basyo ng kalibre kwarenta’y singkong baril.

Agad naman tumakas ang dalawang suspek sa hindi pa matukoy na lugar gamit ang motorsiklo.

(Eagle News Correspodent – Ferdinand C. Libor, Jr.)